Mga dating opisyal ng DepEd, ipapatawag din sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa overpriced at mabagal na mga laptop

Pagpapaliwanagin sa Senate Blue Ribbon Committee ang dating pamunuan ng Department of Education (DepEd) kaugnay sa ikakasang imbestigasyon ngayong linggo sa mga biniling overpriced at mabagal na laptops ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa ahensya.

Pinaiimbitahan ni Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel III ang mga dating opisyal ng DepEd sa gagawing imbestigasyon sa Huwebes ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations.

Binigyang-diin ni Pimentel na kailangang mapadalo sa pagdinig sina dating Education Secretary Leonor Briones at ang DepEd Undersecretary o Assistant Secretary na in-charge sa procurement ng P2.4 billion na laptops.


Kailangang masagot ng DepEd kung bakit tinanggap ang mga laptops gayong sa pagkakatuklas ng Commission on Audit (COA) ay sobrang mahal ng presyo at hindi pa tugma sa inorder at pangangailangan ng mga guro ang mga biniling gadgets.

Kukwestyunin din kung may taga DepED na kasama ng PS-DBM sa canvassing o paghahanap ng mga laptops upang matukoy ang mga dapat managot at kung may anomalya sa pagbili ng mga laptops.

Maliban sa dating pamunuan ng DepEd, kasama rin sa ipapatawag sa imbestigasyon ng blue ribbon ang mga dating namumuno sa PS-DBM.

Facebook Comments