Binanatan ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang ilang dating opisyal ng Estados Unidos at iba pang foreign groups dahil sa pangingialam ng mga ito sa soberenya ng bansa kasunod ng cyber libel conviction ni Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa.
Nabatid na naghayag ng suporta sina dating US Secretary of State Hillary Clinton at Madeleine Albright kay Ressa at nanawawagang protektahan ang press freedom.
Ayon kay Panelo, sina dating US Secretary of State Hillary Clinton at Madeleine Albright ay naglabas ng impertinente at nakakagalit na pahayag laban sa court ruling kay Ressa.
Iginiit ni Panelo, panghihimasok ang ginagawa ng dalawang US official sa judicial system ng bansa.
Inaabisuhan din ni Panelo sina Clinton at Albright na ang hatol kay Ressa ay dahil sa pag-abuso sa press freedom.
Hindi rin aniya nagawa ng Rappler na itama ang istorya nito o ilathala ang istorya ng kabilang kampo.
Bigo rin ang kampo ni Ressa na maglabas ng pruweba na walang malisya ang kanilang report.
Bukod sa dalawang US Officials, pinatutsadahan din ni Panelo si US Department of State Spokesperson Morgan Ortagus, European Union Action Services (EEAS) at ang United Nations.