Nagbabala ang subcommittee ng House Appropriations Committee na papatawan ng contempt ang mga dating opisyal ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM).
Kabilang dito si dating PS-DBM chief Lloyd Christopher Lao, lawyer na Warren Rex Liong na dati ring Overall Deputy Ombudsman at iba pang mga dating opisyal ng PS-DBM.
Ito ay sa oras na hindi muli nila siputin ang susunod na pagdinig ukol sa umano’y maanumalyang transaksyon ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Bunsod nito ay isinulong ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong ang pagpapalabas ng show-cause order laban sa mga dating opisyal ng PS-DBM, na sinegundahan naman ni Manila Representative Benny Abante at pinagtibay ni subommittee head Iloilo Representative Janette Garin.
Magugunitang sa nagdaang pagdinig ay binanggit ni dating Health Secretary Francisco Duque na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos ng paglilipat ng ₱47.6 bilyong pondo ng Department of Health patungong PS-DBM para ipambili ng medical supplies at iba pang gamit noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Iginiit naman ni Garin na dapat mayroong Memorandum of Agreement sa ginawang paglilipat ng pondo dahil ang medical equipment at supplies ay hindi “common use” supplies.
Ikinabahala naman ni Ang Probinsyano Party-list Representative Alfred delos Santos na hindi pa matukoy kung saan napunta ang ₱2 bilyon mula nabanggit na halaga.