Mga dating opisyal noong nakaraang Duterte administration, ipapatawag sa imbestigasyon ng Senado sa mga biniling COVID-19 vaccine

Pagpapaliwanagin sa Senado ang mga dating opisyal ng nakaraang Duterte administration para sa ikakasang imbestigasyon kaugnay sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.

Batay sa direktiba ni Senator Francis Tolentino, Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ipapatawag sa pagdinig sina dating Health Secretary Francisco Duque III, dating Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., at dating Finance Secretary Carlos Dominguez.

Pinadalhan na rin ang mga ito ng imbitasyon para mapaharap sa imbestigasyon ng Senado sa mga biniling bakuna sa ilalim ng non-disclosure agreement (NDA) sa mga vaccine supplier.


Kasama rin sa pinadadalo sa pagdinig ang kasalukuyang OIC ng Department of Health (DOH) na si Usec. Maria Rosario Vergeire gayundin ang Commission on Audit (COA).

Sa December 14 itinakda ang unang pagdinig sa pagbili ng bakuna sa ilalim ng NDA, at ang pagtanggi ng DOH na ilabas ang detalye ng kontrata sa ginawang pagbili ng COVID-19 vaccines.

Matatandaang nang sumalang sa Commission on Appointments (CA) si COA Chairman Gamaliel Cordoba, sinabi nito na humiling na ng ‘special audit’ ang Asian Development Bank (ADB) at World Bank dahil ang mga ito ang nagpautang sa bansa para makabili ng bakuna.

Facebook Comments