Mga dating pangulo ng bansa, awtomatikong ipinatatalaga bilang presidential adviser

Iminungkahi ni Senator Robin Padilla na awtomatikong italaga bilang presidential adviser ang mga naging dating pangulo ng bansa.

Ito ang suhestyon ni Padilla kasunod na rin ng panukala na isinusulong sa Senado kung saan pinabibigyan ng dagdag na benepisyo ang mga dating presidente.

Sa Senate Bill 1784 na inihain nina Senators Christopher “Bong” Go, Ronald “Bato” dela Rosa, Mark Villar at Francis Tolentino, pinabibigyan ng personal security, staff at opisina ang mga dating pangulo.


Tinukoy sa panukala na kahit tapos na ang termino ng isang dating pangulo, hindi rito natatapos ang kanilang serbisyo dahil madalas ang mga ito ay nakikipagpulong sa mga foreign at local dignitaries, dumadalo sa mga public events at iba pang social engagements na nangangailangan ng mga tauhan, security at opisina.

Inihirit dito ni Padilla na isama sa panukala na gawing automatic na presidential adviser ang isang dating Pangulo.

Dagdag pa ng senador, bahala na ang kasalukuyang nakaupong presidente kung saan niya itatalaga na adviser ang dating pangulo.

Inihalimbawa pa ni Padilla si dating Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring italaga bilang adviser sa law enforcement o sa foreign relations.

Facebook Comments