Imbitado sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilan sa mga dating pangulo ng bansa sa darating na ika-26 ng Hulyo 2021.
Ayon kay House Secretary General Mark Leandro Mendoza, kabilang sa mga imbitadong pangulo ay sina dating President Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.
Maliban sa kanila, pinapupunta rin ang mga dating matataas na lider ng Kamara at Senado maging ang mga mahistrado ng Korte Suprema.
Pero dahil may banta pa rin ng COVID-19, sinabi ni Mendoza na bahagi ng ipinatutupad na health protocols na ang lahat ng mga bisita ay nakakumpleto na ng bakuna o fully vaccinated na kontra COVID-19.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang paghahanda ng Kamara para sa SONA 2021 kung saan ang Batasang Pambansa ang host venue.