Mga dating POGO worker, mayroon ng sariling online scam — PNP-ACG

Napasok na rin ang mundo ng online scam ng ilang dating empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon kay Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) Director PBGen. Bernard Yang, ginamit ng mga dating POGO worker ang kanilang karanasan at kaalaman sa dating trabaho upang magsarili at magpatakbo ng mga iligal na online operation.

Batay sa tala ng PNP-ACG, mahigit 600 suspek na ang naaresto kaugnay ng iba’t ibang uri ng cybercrimes kung saan mahigit 100 ang nakasuhan na.

Matatandaang pansamantalang sinuspinde ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pag-aresto sa mga dayuhang dating POGO workers, dahil sa siksikan o overcrowding sa mga detention facility.

Tinatayang P2 milyon kada buwan ang nagagastos ng gobyerno para sa pagkain, gamot, at iba pang medikal na pangangailangan ng mga nakakulong na dating POGO workers.

Facebook Comments