Nagsagawa ng Peace and Unity Walk and Talks ang mga dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan sa Bontoc, Mountain Province kahapon.
Kasabay nito, kinondena ng mga dating rebelde ang Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) at Cordillera People’s Alliance (CPA) at nanawagan ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Kasunod ng unity walk, isang programa ang isinagawa sa provincial hall, kung saan nagpasalamat ang grupo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nagkaloob ng suporta sa mga dating rebelde, kasabay ng muling pagtiyak ng grupo ng katapatan sa pamahalaan.
Nilahukan ang aktibidad ng mga estudyante, lokal na pamahalaan, iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa lalawigan maging ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kasunod nito, tiniyak ng Northern Luzon Command ang patuloy na suporta ng militar sa mga nagbabalik-loob upang mabigyan ang mga ito ng magandang pagkakataon na manumbalik sa lipunan at magbagong-buhay.