Mga dating rebelde, planong isama sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps

Iminungkahi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Undersecretary Rene Glen Paje sa Task Force Balik-loob, palawakin pa ang mga benepisyo sa mga dating rebelde para makahikayat pa ng mas marami sa kanilang mga dating kasama na magbalik loob sa gobyerno.

Sinabi ni Paje, nakikipag-usap na ang DSWD sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at iba pang ahensya ng pamahalaan kaugnay rito.

Ito’y para sa planong pagsama sa mga dating rebelde sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, kung saan makakatanggap sila ng buwanang sustento mula sa gobyerno katulad ng “poorest of the poor” na benepisyaryo ng programa.


Bukod dito pinag-aaralan din ang pagbibigay ng “Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS)” maliban pa sa mga benepisyo na ipinagkakaloob sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Kabilang sa mga benepisyo ng E-CLIP ang financial assistance, housing, education, skills training, healthcare, at legal assistance.

Para kay Paje, kung malalaman ng mga rebelde ang “success stories” ng kanilang mga kasamahang nagbalik-loob, mas marami pa aniya ang mahihikayat na sumuko sa gobyerno.

Facebook Comments