Sumabak sa livelihood training ang mahigit 30 mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Nueva Ecjia at Agusan del Sur.
Ayon kay 26th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Sandy Majarocom, 10 araw sumailalim sa pagsasanay partikular na sa production and entrepreneurship training ang labinlimang dating NPA members na inorganisa ng 26th Infantry Battalion ng Philippine Army, katuwang ang lokal na pamahalaan at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa CARAGA Region.
Ani Majarocom, mahalaga ang pagsasanay upang maihanda ang mga dating rebelde sa pagbabalik nila sa kani-kanilang mga pamilya at sa malayang komunidad.
Samantala, 18 ring mga dating kasapi ng CPP-NPA ang sumailalim sa entrepreneurial development training sa Nueva Ecija.
Sinabi ni 84th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Enrico Gil Ileto na ang “Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa” livelihood program ng Department of Trade and Industry (DTI) ay bahagi ng suporta ng ahensya sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ng gobyerno.
Nagpasalamat naman si Ileto sa DTI sa aktibong pagsuporta nito sa hangarin ng pamahalaan na matamo ang kapayapaan at kaunlaran sa mga mahihirap na lugar sa bansa.