Nanawagan na rin ang mga dating mambabatas na palayain na si dating Senator Leila de Lima.
Para kina dating Senators Franklin Drilon at Kiko Pangilinan, hindi dapat makulong si De Lima dahil gawa-gawa lang naman ang mga illegal drug case na isinampa sa dating senadora.
Nais ipasilip ni Drilon sa Philippine National Police (PNP) kung hindi planado ang pangho-hostage kay De Lima.
Ipinatutukoy naman ni Pangilinan sa pulisya kung may nangyaring kapabayaan kaya na-hostage si De Lima sa loob ng maximum security area custodial center ng PNP na inaasahang may mahigpit na seguridad.
Hiniling naman ni dating Senator Ping Lacson na maimbestigahan ang hostage-taking at siguruhing hindi na ito mauulit muli.
Nakiusap naman si Lacson na bago birahin ang PNP sa nangyari ay dapat munang ikonsidera ang mabilis na aksyon ng mga pulis at ang pagkakaligtas kay de Lima.
Bagama’t hindi alam ng marami, sinabi ni Lacson na inalok ng PNP si De Lima na mailipat sa ibang lugar noong kalagitnaan ng Agosto kasabay ng pagbisita sa kanya ng mga senador mula sa Estados Unidos.