
18 dating sundalo na nagpakilalang mga dating kasamahan umano ni Orly Guteza ang humarap sa publiko para ibunyag ang umano’y nalalaman sa maanomalyang flood control projects.
Sa isang pulong balitaan, ipinakilala ni Atty. Levi Baligod na whistleblower sa pork barrel fund scam case ni Janet Napoles ang mga dating sundalo na nakasaksi umano sa bigayan ng mga maleta.
Pinatotohanan ng mga ito ang naging pahayag ni Guteza sa naging pagdinig noon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa paghahatid ng mga maleta na naglalaman ng pera sa bahay ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Bukod kay Romualdez, naghatid din umano sila ng pera kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ibang opisyal gaya ni dating Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo.
Aabot umano sa P805 billion ang perang dineliver ng mga ito sa iba’t ibang opisyal na mula sa mga kickback sa flood control projects.
Ipinresenta rin ng mga ito ang litrato ng mga maleta na hinatid sa bahay ni Quimbo na naglalaman umano ng P15 hanggang P70 million bawat isa.
Sina Quimbo ay bahagi ng bicameral conference committee at nagsilbing kapalit ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co bilang chairperson ng House Committee on Appropriations sa panahon ng deliberasyon ng 2025 national budget.
Wala pa namang pahayag ang dating kongresista at ang ilang pinangalanan tungkol sa alegasyon.










