Naging malikhain na ang mga komunidad sa mga lugar na apektado ng oil spill upang mapigilang kumalat ang tagas ng lumubog na MT Princess Empress sa mga kalapit na Marine Protected Areas (MPAs) sa MIMAROPA at Western Visayas regions.
Gamit ang mga dayami ng palay at mga materyales mula sa niyog, lumikha ang community volunteers ng spill booms na ikinabit nila sa fish nets.
Ang booms ay temporary floating barriers na ginagamit upang i-contain ang marine spills at maprotektahan ang sensitive wetlands, at matulungan itong makarekober.
Tulong-tulong ito na isinasagawa ng mga residente sa Brgy. Misong at Brgy. Aplaya sa Poblacion at Brgy. Anilao sa Bongabong sa Pola.
Nakita ng mga residente na ang coconut shingles at rice straws ay may effective absorption capacities upang maging improvised spill booms.
Naging gabay ng mga residente sa paglalatag ng spill booms ang trajectory map ng University of the Philippines Marine Science Institute (UPMSI).
Una nang tinantya ng UPMSI na posibleng kumalat ang oil spill hanggang northern Palawan mainland at banta sa may 36,000 hectares ng marine habitats.
Ang coastal municipalities na hindi pa naabot ng oil spill ay nagsimula na ring gumawa ng improvised spill booms at nakapag-deploy na ng dalawang kilometro mula sa kanilang baybayin upang pigilan ang tagas ng langis na makarating sa kanila.
Ang Imalaguan Island Marine Protected Areas sa Cuyo, Palawan ay mayroon ng 100-meter booms, pumuprotekta sa marine sanctuaries ng pelagic fishes, coral reefs, at mangrove forests.
Ganito na rin ang ginagawa ng volunteers sa Roxas, Palawan, na may pinoprotektahang 13 Marine Protected Areas sa 11 barangays nito.