Mga dayuhan mula Austria, bawal na ring makapasok sa Pilipinas

Pagbabawalan na ring makapasok sa Pilipinas ang mga dayuhang nagmula sa Austria kasunod ng pagkatuklas ng bagong South African COVID-19 variant.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sisimulan itong ipatupad sa ika-10 ng Enero, alas-12:01 ng madaling araw at tatagal hanggang ika-15 Enero ng taong kasalukuyan.

Papayagan pa namang makapasok ng Pilipinas ang mga foreign passengers mula o galing sa Austria sa nakalipas na 14 araw bago pa man makarating ng Manila sa ika-10 ng Enero.


Pero obligado aniya ang mga itong sumailalim sa 14-day quarantine period kahit pa nakakuha sila ng negative RT-PCR test result.

Ang mga Pilipino naman na magmumula o nakapunta ng Austria sa loob ng 14 araw bago makarating ng Manila, kabilang na ang mga paparating pa lang sa Enero 10 ng alas-12:01 ng madaling araw ay papayagan pang makapasok ng Pilipinas.

Pero gaya ng mga foreign travelers, obligado pa rin ang mga ito na sumailalim sa 14-day quarantine period, kahit pa nakakuha ng negative RT-PCR test result.

Sa ngayon, inatasan na ng Task Group on Returning Overseas Filipino ng National Task Force Against COVID-19 at lahat ng mga Local Government Units (LGUs) na paghandaan ang implementasyon nang mas istriktong quarantine at isolation sa mga health facilities para sa mga darating na biyahero.

Una nang inanunsyo ng Malacañang na simula alas-12:01 ng madaling araw nitong Enero 8 hanggang Enero 15, ang mga foreign travelers mula Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, at Brazil sa nakalipas na 14 araw ay hindi papayagang makapasok ng Pilipinas.

Bukod pa ito sa travel restrictions na nauna nang ipinatupad sa 21 pang mga bansa.

Facebook Comments