Nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) na maari pa ring ipa-deport ang sinumang dayuhan kahit napawalang sala na ito sa kasong kriminal basta’t mayroon silang paglabag sa Philippine Immigration laws.
Tinukoy ng BI ang kaso ng Swiss-Italian national na na-acquit sa kinakaharap na kaso sa korte pero ipina-deport pa rin dahil sa pagiging undesirable alien.
Ang dayuhan na si Alfred Josef Honegger ay ipina-deport ng BI dahil sa pagiging undesirable alien nito matapos makialam sa management, operasyon at pamamahala ng isang restaurant sa Cordova, Cebu.
Lumabas sa imbestigasyon ng BI Board of Special Inquiry na napagkakaitan ang mga Filipino ng trabaho at business opportunities dahil sa ginawa ni Honegger.
Una nang umapela ang nasabing dayuhan na maibasura ang kanyang deportation case dahil ibinasura na rin naman aniya ng Cebu Provincial Prosecutor’s Office ang kanyang ciminal case.
Pero nilinaw ng BI na magkaiba ang criminal case sa deportation case.
Ang nasabing dayuhan ay inilagay na rin sa blacklist.