Mga dayuhang manggagawa ng POGO, pinayuhang mag-voluntary downgrade na ng visa at umalis na ng bansa

(File photo courtesy of DILG)

Hinikayat ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhang manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa bansa na magkusa na lamang magpa-downgrade ng kanilang visa, i-surrender ang kanilang status at umalis na sa bansa.

Ito ay hangga’t may pagkakataon pa sila hanggang December 2024 bago tuluyang maipasara ang lahat ng POGO operation.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na oras na magsara na ang isang POGO, dapat mag-apply na agad ang foreign nationals ng downgrading ng kanilang visa at pag surrender sa kanilang status dahil mayroon na lamang silang 60 araw para lisanin ang bansa.


Kung lalagpas sila sa 60 araw, ay subject na sila sa deportation proceedings.

Kung nakapag-asawa naman ang isang dayuhan ng isang Pilipino, kailangan nilang maghain ng request hinggil dito, pero sa ngayon aniya ay walang ibang utos kundi umalis na sila ng Pilipinas.

Umaasa naman si Sandoval na magiging mapayapa ang pagpapatupad ng kanilang order to leave laban sa mga dayuhang nagtatrabaho sa POGO.

Facebook Comments