
Puwede nang umupa ng lupa sa Pilipinas ang mga dayuhang negosyante nang mas na tatagal ng hanggang 99 na taon.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Republic Act 12252 na nag-aamyenda sa Investors’ Lease Act.
Sa ilalim ng bagong batas, puwedeng mag-lease ng lupa ang foreign investors para sa mga negosyo gaya ng pabrika, planta, agrikultura, turismo, at iba pang proyektong magpapalago ng ekonomiya.
Pero kailangang rehistrado ang investment sa isang ahensya ng gobyerno tulad ng Board of Investments, nakasaad ang haba at lawak ng kontrata, at agad sisimulan ang proyekto.
Oras naman na hindi natuloy o ginamit sa maling paraan, awtomatikong kakanselahin ang lease.
Hindi rin awtomatikong mare-renew ang kontrata at kailangan ng bagong kasunduan at patunay na may benepisyong naidulot ang proyekto bago ito mapalawig.
Para naman sa tourism projects, tanging may puhunan na hindi bababa sa limang milyong dolyar ang papayagan, at 70% nito dapat ay maipasok sa loob ng tatlong taon.
Pinapayagan din ang sublease kung may pahintulot ng may-ari at nakarehistro sa Registry of Deeds.
Layon ng batas na makahikayat ng mas maraming foreign investments, habang pinoprotektahan ang interes at lupa ng mga Pilipino.









