May hanggang October 15 na lamang ang lahat ng mga dayuhang nagtatrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO para boluntaryong umalis ng bansa.
Ito ang tahasang sinabi ng Department of Justice (DOJ) ilang buwan bago ang itinakdang deadline ng pangulo na wala na dapat POGO sa pagtatapos ng taon.
Pagsapit kasi ng October 16 ay ida-downgrade na ang lahat ng 9G visa ng foreign POGO workers bilang tourist visa.
Ibig sabihin, kailangan na nilang makaalis ng bansa sa loob ng 60 araw pagkatapos niyan at kung hindi ay posible silang maharap sa involuntary repatriation.
Sa naging high-level meeting ng binuong Task Force POGO Closure, natalakay ang pagkakaroon ng guidelines sa tuluyang pagbabawal ng operasyon ng POGO nang hindi naisasakripisyo ang kapakanan ng mga manggagawa.
Ayon kay DOJ Undersecretary Raul Vasquez, una pa lamang ito sa mga pagpupulong ng task force para maipatupad nang ayos ang direktiba ng pangulo.
Kasama ng DOJ sa binuong task force ang DOLE, Bureau of Immigration, Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR at Presidential Anti Organized Crime Commission o PAOCC.