Sunday, January 18, 2026

Mga deboto, maagang dumagsa para makiisa sa pista ng Sto. Niño de Tondo

Nagsimula na ang Banal na Misa ngayong alas-siyete ng umaga dito sa Minor Basilica at Diocesan Shrine ng Sto. Niño de Tondo.

Maaga pa lamang ay dagsa na ang mga debotong magsisimba kung saan kapansin-pansin din ang mga bata na may mga bihis ng Sto. Niño o gaya ng batang si Hesus.

Karamihan din sa mga nagsimba ay may dalang mga sariling imahen ng Señor Sto. Niño upang pabasbasan.

Alas-tres ng madaling araw kanina, isang misa na ang isinagawa bago ang pag-uumpisa ng prusisyon.

Sa ngayon ay hindi pa rin tapos ang prusisyon at pabalik pa lamang dito sa simbahan.

Samantala, sa isang circular letter naman na inilabas ng Basilika Menor ay nanawagan ang mga ito sa mga makikiisa sa kapistahan na panatilihin ang kalinisan at kaayusan.

Hindi lamang anila sa masasayang panalangin at engrandeng kapistahan naipapakita ang debosyon sa Sto. Niño kundi sa pagiging responsable at paggalang sa nilikha ng Diyos.

Facebook Comments