Patuloy ang pagdating ng mga deboto ng Itim na Nazareno sa Qurino Grandstand para sa ikatlong araw ng pahalik ngayong Lunes.
Kasunod nito, inaaasahan na papalo o mas dodoble pa ngayon ang mga deboto na pupunta sa naturang panata o tradisyon.
Habang nagpapatuloy ang pahalik o Pagpupugay sa Poong Itim na Nazareno ay may mga pagkakataon na maikli ang pila, depende sa oras.
Ayon kay Tatay Jolly Aton, limang taon ng deboto ng Poong Itim na Nazareno masaya siya ngayon at muling nakahalik o nagbigay pugay sa Poong Itim na Nazareno, kahit naligaw kaninang umaga ay hindi niya alintana.
Aniya, pinag-iisipan pa niya kung magaantay na lamang siya at magpapalipas ng gabi dahil sa Prusisyon at araw ng Traslacion.
Samantala, kapansin-pansin din na mas mabilis at organisado ang pila ngayong taon dahil na rin sa mga nagbabantay at ginawang paghahanda ng mga awtoridad.
May hiwalay rin na pila para sa persons with disability, senior citizens, at mga buntis upang hindi na sila mahirapan pa sa pag-akyat at sa pagpunas sa Itim na Nazareno.