Mga deboto ng Quiapo Church, hindi na pinayagan pumila sa labas ng simbahan

Hindi na pinayagan pa ng Manila Police District (MPD) Station 3 o Plaza Miranda Police Community Precint (PCP) na maghintay at pumila ang mga deboto sa labas simbahan ng Quiapo.

Ito’y dahil nahihirapan na sila gayundin ang mga hijos del Nazareno na ipatupad ang minimum health protocols partikular ang physical distancing.

Dahil dito, nagdesisyon si Police Major Aldin Balagat, Commander ng Plaza Miranda PCP na buwagin na ang pila ng mga deboto o mga nais dumalo ng misa sa loob ng Quiapo Church.


Bago paalisin sa pila, pinaalalahanan ni Balagat ang mga deboto na maiging manood o makinig na lamang ng misa via online sa halip na magtungo sa simbahan dahil baka mahawaan pa ng COVID-19.

Nabatid na nasa 100 tao lamang ang pinapayagan makapasok sa nasabing simbahan kung saan makapapasok naman ang mga deboto kapag natapos na ang disinfection ngunit wala nang pilang magaganap hanggang sa huling misa ngayong araw.

Sakali naman hindi mapuno ang nasa 100 tao sa loob ng simbahan, papayagan pa rin makapasok ang mga deboto kahit pa nagsisimula na ang misa.

Todo bantay naman ang mga tauhan ng Plaza Miranda PCP para masigurong walang deboto ang susuway sa mga inilatag nilang patakaran.

Facebook Comments