Hinihikayat ng pamunuan ng Simbahan ng Quiapo, ang mga debotong makikiisa sa kapistahan ng Poong Itim na Nazareno na magsuot pa rin ng face mask.
Ito’y upang maiwasan na magkahawaan ng sakit lalo na’t hindi pa rin nawawala ang COVID-19.
Sa isinagawang media-con para sa Nazareno 2024, ipinaalala ng pamunuan ng Simbahan ng Quiapo sa mga deboto na magsuot ng face mask.
Partikular ang mga papasok sa loob ng nasabing simbahan gayundin sa labas at paligid.
Para maiwasan naman ang siksikan, gagawing isa ang pasukan habang ang magkabilang-gilid ng simbahan ang papalabas.
Sa pahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna- Pangan, magkakaloob sila ng mga face mask sa mga magtutungo sa simbahan upang maging ligtas at maiwasan na mahawaan ng anumang uri ng sakit.
Nakikiusap din ang alkalde sa publiko lalo na sa mga deboto, na makiisa sa inilatag na patakaran para sa sariling kapakanan at maiwasan ang kaguluhan.
Sa huli, iginiit ni Mayor Honey na handang-handa na ang lahat para sa pagdiriwang ng Nazareno 2024 gayundin sa pagdiriwang ng misa sa unang Biyernes ng taong 2024.