Pinapayagan na ng Department of Health (DOH) ang mga dentista na maging bakunador ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Ayon kay Health Usec. Myrna Cabotaje, nag-release na ang National Vaccine Operation Center Advisory base na rin sa naging ugnayan ng Professional Regulatory Commission at Board of Dentistry at otorisasyon ng DOH, pwede nang isama sa bilang ng mga bakunador sa bansa ang mga dentista basta aniya may karagdagang training.
Pero paglilinaw ni Cabotaje ang training na ito ay hinggil lamang sa mga techniques ng pagtuturok sa braso.
Dagdag pa ni Cabotaje na malaking tulong ang mga dentista para mas dumami pa ang mga bakunado sa bansa dahil magsisimula na rin ang mas malawakang pagbabakuna sa mga kabataan edad 12 hanggang 17.
Payo ni Cabotaje sa mga dentista na layong makatulong sa pagbabakuna, makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na pamahalaan.