Sumailalim sa isang Symposium on Human Immunodeficiency Virus – HIV- AIDS awareness ang mga nurses ng Department of Education Cotabato at Kidapawan City Schools Divisions kasama ang ilang piling high school students kahapon.
Ginanap ito sa Provincial Capitol Rooftop kung saan abot sa 200 ang mga aktibong nakilahok at nakakuha ng dagdag na kaalaman patungkol sa HIV-AIDS.
Pinangasiwaan ng Cot Integrated Provincial Health Office o IPHO at ng Provincial Governor’s Office – Population Division ang naturang symposium na may kaugnayan naman sa pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong Marso 2018.
Ayon kay Provincial Health Officer II Dr. Eva Chua-Rabaya, mahalaga ang naturang aktibidad upang mas maging malawak pa ang kaalaman patungkol sa HIV-AIDS at kung ano pa ang mga dapat gawin upang maging ligtas ang mga mamamayan.
Sinabi naman ni Provincial Population Officer Allan Matullano na ginagawa ng kanilang tanggapan ang lahat ng makakaya upang makatulong sa kampanya laban sa HIV-AIDS.
Natutuwa din ang dalawang opisyal dahil sa mainit na tugon ng DepEd at iba pang ahensiya ng gobyerno sa naturang symposium at umaasang magtutuluy-tuloy na ang wastong edukasyon o kaalaman sa HIV-AIDS.
Kailangan rin daw na palawigin pa ang pang unawa sa mga taong may sakit na HIV-AIDS kasabay ng dobleng pag-iingat ng bawat isa laban sa naturang karamdaman. (Jimmy Sta Cruz-PGO IDCD)