Kinastigo ng isang network ng digital advocates ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa patuloy na pag-isnab ng ahensya sa kanilang reklamo laban sa Grab-owned motorcycle taxi firm na Move It.
Ayon kay Digital Pinoys National Campaigner Ronald Gustilo, pinababayaan lamang ng LTFRB ang mga paglabag ng Move It at hindi inaaksyunan ang kanilang reklamo laban dito.
Tinukoy ni Gustilo ang hindi pag-aksyon ng LTFRB sa kinasasangkutang insidente ng riders at pagkasugat ng pasahero nito sa isang aksidente na nag-viral sa social media kamakailan.
Isang insidente aniya ay naganap sa Cebu City na ikinamatay ng rider at pasahero.
Pinakahuli ay ang pakikipag-patintero ng rider sa mga enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na huhuli sa kanya dahil sa pagpasok sa EDSA Busway.
Sa ginanap na pagdinig sa House Committee on Transportation, inatasan ni Committee on Transportation Chairperson Rep. Romeo Acop ang LTFRB na aksyunan ang hinaing ng mamamayan sa ahensya.