
Kinumpirma ng National Security Council (NSC) na lumabas sa laboratory testing na ang mga dilaw na bote na narekober ng Philippine Navy mula sa mga bangka ng China na nasa paligid ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ay nagpositibo sa presensya ng cyanide.
Nabatid na ang mga nasabing bote ay nakuha ng Navy noong February at October ng nakaraang taon.
Ayon kay NSC Spokesperson Assistant Director General Cornelio Valencia Jr., isinagawa ng National Bureau of Investigation – Forensic and Scientific Research Service (NBI-FSRS) ang nasabing laboratory analysis.
Kung saan nagpositibo ito sa cyanide, isang highly toxic chemical na kilala na nagdudulot ng severe at irreversible damage sa tao at sa ekosistemang pandagat.
Kaugnay nito, sakaling mapatunayan na ito ay intensyonal, maaari itong lumabag sa Philippine environmental laws at international maritime norms.
Samantala, nagbigay na ng direktiba ang NSC sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at sa mga kaugnay na ahensya na paigtingin ang maritime domain awareness, palakasin ang pagpapatrolya, at ang pagsasagawa ng mga kaukulang hakbang para maiwasan ang anumang hakbang na makakasira sa kapaligran at maprotektahan ang seguridad sa karagatan.










