
Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang mga Discaya na itigil na ang umano’y pagpapa-victim at sa halip ay makipagtulungan na lamang sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Ito ay kasunod ng pagpalag ng senadora sa pahayag ni Curlee Discaya sa pagdinig, kung saan sinabi nitong pakiramdam niya ay tila sila pa ang ninakawan, kaugnay ng tanong hinggil sa restitution o pagbabalik ng pondo upang sila ay maging kuwalipikado sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Hontiveros, kung tunay na seryoso ang mga Discaya na mapasama sa WPP, dapat ay makipagtulungan na sila sa imbestigasyon pa lamang sa Senado.
Giit ng senadora, dapat nang tigilan ng mga Discaya ang pagpapanggap na sila ang biktima ng sitwasyon at ang patuloy na pagdadahilan sa umano’y hindi nila pagkuha ng ledger na naglalaman ng mga transaksyon at pangalan ng mga sangkot sa mga ghost projects.
Dagdag pa ni Hontiveros, mayroong silang credible source na nagsabing hindi totoo ang pahayag ng mga Discaya na hindi sila pinapasok sa City Hall at kinandado ang kanilang opisina, dahilan upang hindi umano nila marekober ang mahahalagang dokumento.









