Mga displaced OFWs, hiniling na isama sa programa ng Bayanihan Act

Hinimok ni Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Partylist Representative Raymond Mendoza na isama ang mga displaced Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng COVID-19 sa mga mabebenepisyuhan sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act.

Apela ni Mendoza, isama ang mga apektadong OFWs sa social amelioration at adjustment programs ng batas dahil marami ang hindi nakaalis ng bansa bunsod ng lockdown na ipinapatupad sa Luzon at maraming bansa ang nagpatupad ng restrictions dahil sa COVID-19.

Sinabi nito na walang pondong inilaan para sa livelihood at employment assistance sa OFWs ang Bayanihan Act.


Kaya naman hinimok nito ang Pangulo na pondohan ang OFW subsidy at taasan ang alokasyon nito sa PHP10,000.00 hanggang PHP15,000 kada buwan para sa buong panahon na umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Paalala ng kongresista, nasa 169 OFWs na ang tinamaan ng COVID-19 at dalawa ang namatay.

Base naman sa Job Displacement Monitoring ng DOLE hanggang nitong March 23, umabot na sa 3,169 OFWs ang apektado ng krisis dulot COVID-19.

Karamihan pa naman aniya sa mga nawalan ng hanapbuhay na OFW ay breadwinner sa kanilang mga pamilya.

Facebook Comments