Mga displaced workers kabilang ang mga OFW, maaaring mag- loan sa SSS

Kasunod ng napakaraming mga displaced workers o yung mga nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic, inanunsyo ng Social Security System (SSS) na mayroon silang programang unemployment insurance benefits na layong tulungan ang mga nawalan ng hanapbuhay dahil nagsara ang kanilang pinapasukang trabaho dulot ng pandemya.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni SSS President Aurora Ignacio na simula noong Agosto 2019 kung saan naging epektibo ang programa, higit 30,000 empleyado na ang nag- apply kung saan nakapagpalabas na sila ng P354 million na pondo para sa kanilang loan application.

Samantala, nito lamang June 1 hanggang 23, 2020, nasa 4,496 na aplikasyon ang kanilang natanggap at nakapaglabas na sila ng P60 million na pautang para sa mga ito.


Kinakailangan lamang makapagpakita ang borrower ng sertipikasyon o katibayan na nawalan siya ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic para makasali sa naturang loan program.

Ang halaga ng pautang na makukuha ng isang SSS member ay kalahati ng kanyang sweldo at ito ay kanyang matatanggap sa loob ng dalawang buwan.

Ayon pa kay Ignacio, pasok din sa programa ang mga displaced Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa mga interesadong miyembro, maaari aniyang sagutan ang form sa My.SSS at gagawin ang pagproseso sa loan application via online.

Facebook Comments