Hiniling ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa Department of Energy (DOE) na obligahin ang mga distribution utilities na magkaroon ng standard format sa billing statement ng kuryente.
Sa organizational meeting ng Committee on Energy ay umapela mismo si Pimentel kay Energy Sec. Raphael Lotilla na mag-isyu ng direktiba para mapilitan ang mga distribution utilities na gawing standardized ang format ng electric billing statement.
Binigyang diin ni Pimentel ang kahalagahan na madaling mabasa ang electric bill upang agad na makita ng consumer kung magkano ang halaga ng sinisingil ng isang kumpanya mula sa generation charge, transmission charge, systems loss, at buwis.
Samantala, pinahahanapan naman ni Senator JV Ejercito ang DOE ng iba pang mapagkukunan ng enerhiya na maaaring magpababa sa singil sa kuryente.
Ipinunto ng senador na kaya hindi nakakaakit sa maraming negosyo at sektor ang bansa ay dahil sa mataas na singil sa kuryente at mahinang imprastraktura.
Nangako naman si Lotilla na handa ang ahensya na makipagtulungan sa Kongreso lalo na sa pagtugon sa problema sa energy sector.