
Hihilingin ni Senator JV Ejercito kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta na ipatawag sa susunod na pagdinig ng Senado ang mga district engineer na sangkot sa mga maanomalyang flood control project.
Giit ni Ejercito, dapat na maipatawag lamang ang mga district engineer na sabit sa mga ghost project lalo na aniya ang district office ng Bulacan na aniya’y notorious sa korapsyon.
Babala ng senador na kung hindi magpapakita ang mga ipapatawag na district engineers ay magmomosyon siya na ipa-subpoena ang mga ito sa susunod na pagdinig.
Samantala, ipinauubaya naman ni Senator Raffy Tulfo kay Marcoleta ang pagpapatawag kay Department of Public Works and Highways o DPWH-Batangas 1st Engineering District Office District Engineer Abelardo Calalo na nagtangkang manuhol kay Batangas Rep. Leandro Leviste ng halagang P360 million para hindi ituloy ang imbestigasyon sa flood control projects.
Sa tingin pa ni Sen. Raffy, malawak ang sindikato ng iregularidad sa flood control projects at bagama’t hindi naman nilalahat pero posibleng marami sa mga district engineer ang nagsisilbing bagmen na ng mga contractor.










