Binalaan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga doktor at mga medical clinic na nagbibigay ng medical certificate kahit “no show” ang mga aplikante na kumukuha ng driver’s license.
Nagbanta si LTO Chief Assistant Secretary Jay Art Tugade na ipapasara niya ang mga klinika kapag napatunayang nagbibigay ng sertipikasyon kahit walang nangyaring aktuwal na pisikal na eksaminasyon.
Inatasan na ni Tugade ang mga regional at district offices ng LTO sa buong bansa na ipatupad ang kaniyang kautusan.
Ani Tugade, mahalaga ang medical certificate sa pagkuha ng lisensya upang matiyak na nasa maayos na kalusigan at karapat-dapat ang isang aplikante para magmaneho.
Ginawa ni Tugade ang pahayag kasunod ng ipinataw na 60-day suspension sa Medical Clinic sa Bacolod City dahil sa pag iisyu ng 186 medical certificates loob lang ng isang araw.
Lumitaw sa imbestigasyon ng LTO Region 6, naaktuhan nila ang aktibidad ng klinika matapos magpanggap na aplikante ang isang tauhan ng LTO.