Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na makakasuhan ang mga doktor at ospital na mapapatunayang pinabababa ang COVID-19-related claims ng mga pasyente.
Ito ay makaraang ibunyag ng PhilHealth sa pagdinig ng Kamara kahapon na ilang ospital ang nagda-“downcase” dahil sa takot na hindi sila mabayaran ng state health insurer.
Ayon kay PhilHealth Corporate Communication Department Senior Manager Rey Baleña, “unfair” ito para sa mismong mga miyembro ng PhilHealth dahil nangangahulugan itong hindi nila nakuha ang mga tamang benepisyo.
Giit pa ni Baleña, nakakapagbayad naman ang PhilHealth sa mga covid-19 claims ng mga ospital.
Katunayan, noong nakaraang taon, nasa P140 billion aniya ang kanilang naibayad.
Pero aminado rin ang opisyal na marami ang kanilang ibinabalik dahil sa mga kulang o kwestiyonableng claims habang may ilan din na hindi talaga nila binabayaran dahil sa mga paglabag o talagang hindi na naka-comply sa mga kinakailangang dokumento.
Kaugnay nito, hinikayat ng PhilHealth ang mga pasyente na magsumbong sakaling makaranas ng downcasing ng COVID-19-related claims.