Nagbabala ang Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) sa mga doktor na ilegal na nagtuturok ng hindi rehistradong bakuna laban sa COVID-19.
Sa joint statement, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III at FDA Director General Eric Domingo, maaaring bawiin ang kanilang lisensya kapag ginagawa nila ito.
Dagdag pa ni Duque, iimbestigahan nila ang paggamit ng mga hindi rehistrado at smuggle na bakuna.
May mga natatanggap silang mga ulat na may ilang mambabatas na pumupunta sa mga posh hotels para mag-kape pero papasok sa isang kwarto para magpaturok ng COVID-19 vaccine.
Iginiit ni Duque na hindi katanggap-tanggap na may mga gumagawa ng ganitong ilegal at patagong serbisyo.
Ang ilegal na paggamit ng hindi rehistradong bakuna ay magpapalala lamang ng pandemic situation.
Sinabi naman ni Domingo, nakikipagtulungan na sila sa Bureau of Customs para maiwasang maipuslit sa bansa ang mga unauthorized vaccines at iba pang gamot.
Sa ngayon, ine-evaluate ng FDA ang application ng US pharmaceutical firm na Pfizer para sa Emergency Use Authorization para mag-supply ng COVID-19 vaccines sa bansa.