Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi na dapat gawing komplikado o pahirapan ang mga biktima ng kalamidad sa mga dokumentong dapat ipasa para makakuha nang financial asistance mula sa pamahalaan.
Kasunod ito ng pangako ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na makakakuha ng ₱10,000 ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program ang mga biktima ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Miyerkules.
Ayon kay Tulfo, dismayado si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil sa mga form na kailangan pang sagutan ng mga biktima bago makakuha ng tulong mula sa gobyerno.
Sa kabila nito, agad ring sinabi ng kalihim na hihingi ito nang tulong sa mga mambabatas na magsulong ng isang panukala na layong alisin ang maraming dokumento para maging kwalipikado na makatanggap ng tulong.