Hinihingi ng Department of Health (DOH) kay Senator Manny Pacquiao ang mga dokumentong nagsasabing may binibili ang ahensya na mga gamot na malapit nang ma-expire.
Nabatid na isa ang DOH sa mga ahensyang tinukoy ni Pacquiao na laganap ang korapsyon.
Sa interview ng RMN Manila kay Health Secretary Francisco Duque III, gusto niya makita ang mga papeles galing kay Pacquiao.
Iginiit ni Duque na mayroong sinusunod na panuntunan sa ilalim ng Food and Drug Administration (FDA) kung saan pinapayagan ang mga gamot na may prescribed na shelf life na 12 hanggang 18 buwan, at depende ito sa produkto at depende sa bakluna.
Tanong ng kalihim, saan nakuha ni Pacquiao ang mga ganitong impormasyon lalo na at ilegal ito, at hindi ito makakalusot sa Commission on Audit (COA).
Nais ni Duque na makita ang mga ebidensya ng senador at mahalagang may mga batayan ang kanyang mga akusasyon.
Sa halip na magsiraan, umapela si Duque na magtulungan na lamang.