Kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na nakumpleto na ng Gamaleya Institute ng Russia ang mga dokumento para sa Emergency Use Authorization (EUA) ng Sputnik V sa Pilipinas.
Ayon kay FDA Deputy Director General for Field Operations Dr. Oscar Gutierrez Jr., batay sa initial evaluation ay pumasa ang Gamaleya para mabigyan ng certificate of good manufacturing practice.
Kasunod nito, bukas aniya ay malalaman kung kinakailangan pa ng inspeksiyon bago tuluyang ibigay ang EUA.
Kabilang sa kinakailangan ay ang patunay na may kakayahan ang manufacturer nito na Gamaleya na makalikha ng bakuna na nakabatay sa inaprubahan ng FDA.
Dagdag pa ni Gutierrez, pagkatapos maisumite ng mga kaukulang dokumento ay nasa 21 araw lamang ang hihintayin para ibigay ng FDA ang EUA.
Sa ngayon, 15 bansa na sa buong mundo ang inaprubahan ang Sputnik V habang plano ng Pilipinas na bumili ng 20 million doses ng naturang bakuna.