Sa isinagawang pagtalakay ng House Committee on Metro Manila Development na pinamumunuan ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano ay hiniling ni Manila 3rd District Cong. Joel Chua sa Grab Philippines at Move It na isumite ang mga dokumento ukol sa kanilang bentahan ng shares o acquisition agreement.
Giit ni Chua, kailangang malaman ang tunay na estado ng dalawang transportation network vehicle service o TNVS operator na nahaharap sa kontrobersya dahil sa pinasok na kasunduan.
Umano’y pilit na itinuloy ng Grab ang kwestyunableng pag-acquire sa Move It sa layuning mapabilang sa pilot testing ng motorcycle taxi, kahit pa ibinasura na ng binuong technical working group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) ang kanilang aplikasyon dahil sa late submission.
Binanggit ni Chua na tanging ang Move It, Angkas at Joy Ride lamang ang nabigyan ng accreditation para sa motorcycle taxi pilot study at hindi kasama ang Grab kaya kailangang mabusisi kung may paglabag sa naturang kasunduan.
Ang pagtalakay ng komite ukol sa naturang usapin ay kasunod naman ng natanggap nitong sulat mula sa Lawyers for Commuters Safety and Protection at sa Digital Pinoys.
Nakasaad sa liham ang pagkabahala dahil salungat umano ang naturang kasunduan sa patakaran ukol sa motorcycle pilot study na inilabas ng TWG.
Tiniyak naman ni Grab Public Affairs Manager Atty. Nicka Hosaka, na ang nasabing usapin ay business decision at hindi backdoor entrance sa motorcycle taxi pilot study guidelines.