
Ininspeksyon ni acting Chief Philippine National Police (PNP) LtGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga dokumentong kinalap ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na may kinalaman sa maanomalyang flood control projects.
Ang nasabing mga dokumento ay dinala na sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) noong Lunes, Nobyembre 24.
Binubuo ito ng 95 na kahon ng case folders, investigation reports, at iba pang dokumento na may kinalaman sa 28 ghost projects umano at iba pang proyekto sa pitong rehiyon.
Ang mga rehiyon na ito ay binubuo ng Regions 1, 3, 5, 8, 9, National Capital Region (NCR), at Negros Islands Region (NIR) na iniimbestigahan na rin ng ICI.
Ayon kay CIDG Director, PMGen. Robert Morico II, kinukumpleto na ng ahensya ang imbestigasyon at dokumentasyon ng mga natitirang kwestyunableng proyekto sa buong bansa.
Tiniyak naman ni Nartatez na buo ang kooperasyon, suporta, at tulong ng PNP sa ICI para sa isinasagawang imbestigasyon patungkol sa mga ghost flood control at ibang kaugnay na proyekto.









