Mga dokumentong pineke, walang bisa kahit naipa-notaryo —SC

Hindi kikilalanin bilang lehitimo ang isang dokumento na pineke, kahit pa ito ay naipa-notaryo.

Ito ang iginiit ng Korte Suprema sa isang desisyon na akda ni Associate Justice Amy Lazaro kung saan nagpasya ang Second Division na walang pananagutan si Gil Chua para sa hindi nabayarang P150 million na loan ng Interbrand Logistics and Distribution Inc., mula sa Bank of Commerce.

Sinigurado ang loan sa pamamagitan ng promissory notes at notarized Continuing Surety Agreements o CSA na nilagdaan ng ilan sa mga opisyal ng Interbrand.

Nakalista naman si Chua bilang isa sa surety pero hindi tulad ng ibang mga lumagda, hindi siya isang opisyal, direktor, o shareholder ng kompanya.

Nang hindi mabayaran ng Interbrand ang mga pautang, idinemanda ng bangko ang kumpanya at mga nakalista pero itinanggi ni Chua na may kinalaman siya rito.

Kinatigan naman ng Korte ang pagkwestiyon ni Chua sa bisa ng CSA matapos nitong itanggi ang pagpirma sa dokumento o ang pagharap sa isang notaryo.

Lumabas din na ang bangko ay walang patunay na si Chua ang pumirma sa CSA na nilagdaan diumano sa parehong araw sa magkahiwalay na mga lokasyon pero may magkaparehong mga saksi na lalong nakadagdag sa pagdududa kung tunay ang dokumento.

Hindi rin iniharap sa korte ang notary public na umano’y nagnotaryo sa CSA.

Sa utos ng Korte, pinagbabayad ang Interbrand at ang ibang surety na bayaran ang bangko ng P150 million bukod pa sa mga interes at penalty at isang milyong pisong attorneys fees.

Facebook Comments