Inihayag ngayon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na ang Domestic Commercial Operations sa lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ay pinahihintulutan ng bumalik sa kanilang operasyon.
Ayon kay Secretary Tugade, nag-isyu na si Chief Implementor Secretary Carlito Galvez Jr. ng kasulatan at kautusan na kung saan ay pinapayagan na ang Domestic Commercial Operation sa mga lugar sa pagitan ng GCQ to GCQ, pero kinakailangang aprubado ng Local Government Units (LGUs) ang naturang hakbang.
Sa panig naman ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Captain Jim Sydiongco, sinabi nito na kinakailangan iberipika muna ng airlines companies at kumpirmahin sa mga paliparan kung pinapayagan ang kanilang operasyon kung saan dapat makipag-coordinate ang mga air operator sa kinaukulang paliparan para matiyak ang tamang koordinasyon na pinapayagan na ngang mag-operate ang kanilang lugar.
Matatandaan na ipinagutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibaba mula sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa na gawing General Community Quarantine (GCQ) simula June 1, 2020.
Maliban sa Metro Manila, ang ibang lugar na nasa ilalim ng GCQ ay ang Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Pangasinan, Albay, Davao City at ang iba pang natitirang lugar sa bansa ay inilgay sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ), ang pinakamababang pamamaraan ng community quarantine na ipinatutupad ng gobyerno.