Mga donasyon sa Cainta, Rizal, dumagsa; distribusyon ng food packs, tuloy pa rin ngayong araw

Tinitiyak ng pamunuan ng Cainta Rizal Government na hindi magugutom ang kanilang mga residente matapos na dumagsa sa Cainta Municipal Hall ang mga donasyon kung saan tuloy ang kanilang pamamahagi ng food packs sa ilang mga barangay sa naturang bayan.

Ayon kay Cainta Mayor Kit Nieto, 100 piraso ng mga chicharon ang ibinigay ng isang indibidwal na residente ng Cainta, Rizal at mayroon din nag-donate ng 10 sako ng bigas at marami pa ang nag-donate o nagpaabot ng tulong kung saan nakatakdang mamahagi sila ngayon araw ng mga food packs sa ilang barangay sa Cainta, Rizal.

Kabilang sa mga barangay na bibigyan ng food packs ang Greenwoods kung saan padadalhan ng 500 food packs habang ang San Francisco Saturn Street ay padadalhan naman ng 800 food packs.


Paliwanag ng alkalde, gagawa siya ng paraan upang hindi magugutom ang kanyang mga nasasakupan kaya’t maging ang kanyang mga sariling sapatos ay pinasusubasta na ng alkalde.

Dagdag pa ni Mayor Nieto, maraming mga purok lider ang nagtutungo sa kanyang sa munisipyo upang humingi ng pagkain dahil marami na umanong nagugutom na mga residente ng Cainta, Rizal dahil sa pagpapalawig ng ECQ.

Facebook Comments