Mga donasyong bakuna, kailangan pa ring dumaan sa regulatory process – FDA

Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na kahit donasyon ang mga bakunang naiturok sa ilang sundalo, hindi ito dahilan para hindi dumaan sa tamang proseso.

Ito ay matapos sabihin ng Malacañang na donasyon mula sa Chinese pharmaceutical company na Sinopharm ang mga COVID-19 vaccine na itinurok sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, puwede namang magamit ang mga donasyong gamot basta may kaukulang special permit mula sa kanilang ahensiya.


Aniya, mahalaga namang maprotektahan si Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng oras pero hindi dapat mabalewala ang tamang proseso at batas.

Sabi pa ni Domingo, batay sa FDA Law, hindi maaaring mag-import, mag-distribute, magbenta o gumamit ng gamot o bakuna na hindi rehistrado sa ahensya.

Sa ngayon, Pfizer pa lang ang bukod tanging manufacturer na nakapag-apply ng Emergency Use Authorization (EUA) sa Pilipinas.

Inaprubahan naman ng FDA ang aplikasyon ng Janssen para sa magsagawa ng clinical trial sa Pilipinas sa Enero ng susunod na taon.

Facebook Comments