Muling nagpaalala ang Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) sa mga operator, drayber at pasahero ng mga pampublikong sasakyan na patuloy na sumunod sa health protocols.
Ito ay dahil sa patuloy na pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Ayon kay i-ACT Special Operations Team Leader Col. Rosendo Borja, mas naghigpit na rin ang i-ACT sa pagsasagawa ng inspeksyon at paghuli sa mga sasakyang kolorum at hindi sumusunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield.
Dahil dito, higit 40 na Public Utility Vehicle (PUVs) ang kanilang nahuli at tiniketan ngayong araw.
Kaugnay nito, nagpaabot din ng paalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa publiko at drayber na kung may nararamdamang sintomas ay iwasan nang bumiyahe o lumabas.
Dagdag pa ng LTFRB, laging isasaisip ang ‘7 commandments’ sa lahat ng pampublikong transportasyon.
Ito ay ang mga:
1) Laging magsuot ng face mask at face shield;
2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono;
3) Bawal kumain sa loob ng sasakyan;
4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga PUV;
5) Laging magsagawa ng disinfection;
6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19 sa pampublikong transportasyon; at
7) Laging sundan ang panuntunan sa physical distancing.