MGA DRIVER NG PAMPUBLIKONG SASAKYAN SA DAGUPAN, ISINAILALIM SA RANDOM DRUG TESTING

Isinailalim sa random drug testing ang mga driver at konduktor ng pampublikong sasakyan sa Dagupan City kahapon, Disyembre 15, sa isinagawang operasyon ng Land Transportation Office (LTO) Region 1.

Katuwang sa aktibidad ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), at Department of Health Treatment and Rehabilitation Center (DOH-TRC).

Saklaw ng pagsusuri ang mga driver ng bus, jeepney, van, tricycle, at iba pang pampublikong sasakyan.

Alinsunod ang operasyon sa Republic Act No. 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, kung saan maaaring kumpiskahin ang lisensya ng mga driver na magpopositibo sa drug test.

Bahagi rin ng operasyon ang paghahanda para sa OPLAN PASKO 2025 na ipatutupad mula Disyembre 20, 2025 hanggang Enero 4, 2026.

Kaugnay nito, nagsagawa rin ng K9 inspection sa terminal upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero.

Facebook Comments