Cauayan City, Isabela-Umaabot sa kabuuang 175 ang nananatiling aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Isabela.
Ayon kay Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag, nasa 483 na ang kabuuang nakarekober sa sakit habang 7 ang naitalang namatay may kaugnayan sa virus at pinakahuli nga ang nangyaring pagkasawi ng isang 66-anyos na senior citizen mula sa bayan ng Echague.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Provincial Health Office (PHO), nangunguna pa rin ang mga Locally Stranded Individuals (LSI) na may mataas na bilang na umabot sa 276 (41.76%); Local transmission na 216 (32.0%); OFWs na 49 at 47 (7.11%) naman na mga healthcare workers.
Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso, pawang mga nasa LGU quarantine facilities ang karamihan sa mga inoobserbahan ngayon makaraang makitaan ng ilang sintomas ng sakit gayundin ang iba na nasa mga piling ospital.
Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang ginagawang pagsundo ng provincial government sa mga nagnanais makauwi ng lalawigan subalit naging madalang ang pag-uwi ng ilang Isabeleño dahil sa gumagamit na ang iba ng pribadong sasakyan na kanilang nirerentahan.
Nagbabala naman ang kapitolyo ng Isabela na hindi dapat ginagawa ang pagsakay sa mga nirerentahang sasakyan sa mga uuwi dahil labag ito sa ipinapatupad na panuntunan.
Sa ngayon ay may mga nakasuhan na ang pulisya sa mga driver na hindi naman otorisadong magbiyahe pauwi ng probinsya mula sa Metro Manila.