Mga dyip na pasado sa safety protocol, dapat gamitin ng gobyerno para masakyan ng mga papasok sa trabaho

Iminungkahi ni Commitee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe sa gobyerno na umupa ng tradisyunal na mga dyip na pasado sa safety protocol upang madagdagan ang mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Sa deliberasyon ng Bayanihan to Recover as One Bill, itinulak ni Poe ang paglalaan ng pondo para sa pag-arkila ng dagdag na shuttle, gayundin ang paglalatag ng malinaw na panuntunan para sa pagbabalik ng mga dyip.

Ipinunto ni Poe na sa umiiral na GCQ sa Metro Manila ay may 90 na mga bus pa lamang ang bumibiyahe sa EDSA kumpara sa 3,500 na tumatakbo bago mag-quarantine.


Nanawagan din si Poe na mabigyan ng subsidiya ang mga drayber ng mga bus at dyip na papayagang bumalik sa kalsada.

Pinapamadali din ni Poe ang pagbibigay ng ipinangakong ayuda para sa mga drayber ng Public Utility Vehicles (PUVs) na nawalan ng kita sa gitna ng lockdown.

Iginiit din ni Poe ang pagmintina sa status quo o ‘no phase out’ ukol sa modernisasyon ng PUV para maiwasan ang mass displacement.

Facebook Comments