
Inirekomenda ni Senator Raffy Tulfo sa Land Transportation Office (LTO) na isyuhan ng special driver’s license ang mga e-trike na bumibiyahe sa secondary roads o sa labas ng barangay at subdivision, kahit pa “for private use” ang mga ito.
Bahagi ito ng isinusulong na regulasyon sa e-bikes at e-trikes, kabilang ang tuluyang pagbabawal sa kanilang pagdaan sa mga major thoroughfares.
Sa isinagawang consultative meeting, binigyang-diin ni Tulfo na kahit mahuli ang mga e-trike ay hindi sila natitiketan dahil wala silang lisensya. Kaya iminungkahi niyang bigyan ng driver’s license ang mga gumagamit ng e-trike upang mapilitang sumunod sa mga traffic rules.
Sumang-ayon naman ang LTO sa panukala at inihayag na simula Enero 2 ay kailangang naka-rehistro na sa LTO ang mga e-trike bilang bahagi ng mas mahigpit na regulasyon.









