
Ikinabahala ni Senator Risa Hontiveros na maaaring tumaya sa mga online gambling websites ng napakalaking halaga gamit ang mga e-wallet o online payment platforms.
Tinukoy at ipinakita ni Hontiveros na gamit ang e-wallet app ay maaaring tumaya kahit ₱500,000 sa mismong online gambling sites.
Puna ng senadora, tinanggal nga sa mga e-wallets tulad ng GCash at PayMaya ang link ng mga online gambling websites pero nakakadismaya dahil nagagamit pa rin sila sa pag-deposit at pag-withdraw sa loob ng mga platforms ng online sugal.
Dahil dito ay tinanong ni Hontiveros ang mga kinatawan ng e-wallet platforms kung papayag ba sila na i-delink o ipagbawal na rin ang pag-cash-in at cash-out sa mismong mga online gambling apps.
Ayon kina G-Xchange Inc. Legal Head Atty. Gilbert Escoto at PayMaya Corporate Affairs Head Toff Rada, handa silang sumunod agad kapag may regulasyon o direktibang ilalabas ang gobyerno o ang Bangko Sentro ng Pilipinas (BSP).
Sakali ring may ipasang batas ang Kongreso patungkol dito ay tiniyak ng mga kinatawan ng online payment platforms ang pagtalima sa kautusan.









