Mga E-wallet at online payment platforms, binigyan ng BSP ng 48 hours para alisin ang mga link ng online gambling

Binigyan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng 48 hours ang mga e-wallet at payment platform para tanggalin ang mga link ng online gambling sites sa kanilang applications.

Ito ay para hindi na magkaroon ng madaling access sa mga e-wallet ang mga online gambling kung saan talamak na ngayon ang negatibong epekto nito sa mga kababayan pati sa mga kabataan.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, sinabi ni BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan na ngayon nila sinimulan ang 48 oras para tanggalin ng mga e-wallet at payment platforms ang lahat ng links ng online gambling sites sa kanilang accounts.

Binigyang katiyakan din ni Tangonan na sa Linggo ay wala nang makikitang links at icons ng online-gambling sites sa mga e-wallet platforms tulad sa GCash at Maya.

Gayunman, sinita naman ni Senator Alan Peter Cayetano kung bakit ngayon lang o kung kailan may pagdinig ang Senado ay saka iniutos ng BSP ang pag-alis ng link ng mga online gambling sites sa mga E-wallet platforms gayong July 25 pa sila naglabas ng abiso tungkol dito.

Kinumpirma rin ng DICT na kayang alisin o i-take down agad ang mga links ng online gambling.

Paliwanag naman ni Tangonan, kailangan ng 48 hours para mabigyan ng panahon ang mga e-wallet platforms na maalis ang lahat ng mga links ng online gambling at magkaroon ng pagkakataon ang mga customers o consumers na i-withdraw ang kanilang mga pera sa mga online gambling accounts.

Facebook Comments